"Ikaw Parin Pala, Pero "

"Ikaw Parin Pala, Pero "

A Poem by Yassi Asher
"

Ikaw tula para sa mga taong nagmahal, iniwan at hindi makawala sa kahapong dapat sana ay nilisan na...Sana'y magbigay aral ito sa inyo at ng matauhan naman kayo...joke!

"

“Ikaw Pa rin Pala, Pero”

(Spoken Word Poetry)

By Elai P.  Arong

 

Hindi ko na maalala kung kailan ako huling nagmahal

Kasi ang alam ko lang, hanggang ngayon

 iisang pangalan parin ang nilalaman ng aking puso’t isipan

Ikaw at ikaw parin o aking hirang

 

Apat na taon na ang lumipas

pero hindi ko akalain na sa hinaba-haba na ng panahon

pag-ibig ko parin sa iyo ay hindi kumukupas

Hindi ko lubos maisip na ang pansamantalang paglimot ko sa’yo

ay mauuwi sa walang katapusang pagpapapanggap

pagpapanggap sa katotohanan na kahit nagtapos na ang kung anong meron tayo

ay kakayanin at makakalaya ako,

makakalaya mula sa pagkakakulong sa nakaraang dapat ay ibinaon nalang sa limot,

dahil sa huli at sa huli’y dadanasin ko parin ang pait at sakit ng kahapon.

 

Akala ko’y gano’n lang kadali

Ang itapon ang lahat na binuo ng isang animo’y dakilang pagmamahalan

Na pilit kong ipinaglaban, nilimot, isinugal ang lahat lahat  

Ngunit ito pala ay nababalot ng kasinungalingang hindi dapat tularan.

Masakit man ay pinilit kung iwaglit sa isipan ang lahat lahat ng sa atin ay namagitan

nagtatapang-tapangan at nagtitigas-tigasan sa pag-aakalang sa pagtatapos natin

 ay uuwi kang talunan at ako ang tatanghaling panalo sa laban.

Ngunit nagkamali ako, kasi sa huli ay talunan pa rin ako.

Ikaw pa rin pala kahit ang ikaw at ako ay malabo na magkatotoo.

 

 

Makailang ulit ko nang sinubukang magmahal muli

 Pinilit buksan ang nakasarado kong puso at iniwang nakalapat ang susi sa tabi nito

Nagbabasakaling sa pagkalas ng tanikala na nakagapos sa bukana ng pinto

Ay muling matatanaw ang pagbubukang liwayway,

 sisibol ang bagong pag-ibig na minimithi ng puso,

Ngunit hindi naging matagumpay ang hangganan ng lahat

Ang ninanais na pag-ibig na sa akala’y magtatagpuan ko rin sa iba

Ay mauuwi lang din pala sa wala.

Ikaw pa rin pala kahit dapat sana ay iba na.

 

Alam mo bang sumulat ako ng talaarawan?

Isinulat ko ang bawat pangyayari na kasama kita.

 

Malamang alam mo dahil makailang ulit ko iyong binasa sa harap mo mismo.

Tanda ko pa ang mga ngiti mo, humahagikhik ka sa saya, humahalakhak sa tuwa

ang sarap-sarap mong pagmasdan na sana’y wala ng katapusan.

 Masaya hindi ba? Kinaiinggitan tayo ng iba dahil sa halos perpekto nating pagsasama

Pero biglang nagbago ang takbo ng mundo nating dalawa.

Ang dating masaya ay napalitan ng dilim, lungkot, pighati at pagdurusa

Bumitaw ka sa mahigpit na kapit nating dalawa,

Kay daling nilimot ang lahat lahat, winalang halaga ang itinatag na pagsasama.

 

May dahilan na sana para kamuhian kita

May dahilan na sana,

 Pero bakit kahit ang sama-sama mo na sa paningin ko

ay hindi ko magawang limutin ang isang tulad mo?

Ikaw parin pala kahit ang tanga-tanga ko na.

 

 

Naaalala ko pa nung huli kong binabagtas ang daan papunta sa mga lugar

 na naging bahagi ng ating nakaraan

Oo aaminin ko?

Nakikita parin kita sa kahit saang sulok ng pasyalan.

Nakikita ko kung paano mo hinawakan ang kamay ko

na para bang ayaw mo nang kumalas sa pagkakahawak nito.

Naalala ko pa kung paano mo hinahawi ang buhok ko na parang ako lang ang nakikita mo.

Naaalala ko kung paano mo hinalikan

ang noo ko na para bang ako lang ang mahalaga sa’yo.

Ginugunita ang bawat halakhak na pinagsaluhan

Ang bawat pangarap na sabay na binuo ng kapalaran

Natupad nga ang lahat pero hindi ang katotohanang

Ang tagumpay ko ay dapat din sanang tagumpay mo.

 

Ang mga alaalang ito ay magsisilbing kape ko nalang sa gabi

na hindi magpapatulog sa’king guni-guni

Gigising sa aking diwa, tatagos sa aking puso

at mag-iiwan ng sugat,peklat,pilat, pilas at delubyo

at kahit halos hindi na ako makahinga,

Ikaw pa rin pala kahit ang sakit sakit na.

 

Sa tuwing nag-iisa, aaminin ko ma’t sa hindi

ay lihim mong nasasaktan ang puso ko sinta.

Bumabalik ang dati na dapat sana ay tapos na

Naaalala ang mga katagang sa pag-aakalang

ang mga pangako mo ay hindi mapapako sinta  

Kasi nangako ka sa’kin, hindi ba?

Pero bakit mahal, ang mga pangakong iyon ay tinupad mo sa iba?

Ewan ko ba! Tanga na kong tanga!

 Ikaw pa rin pala kahit na dapat sana’y ayoko ko na.

 

 

Isang araw pa,habang ako ay nakahiga sa kama

Pilit na pinapasaya ang sarili na bagot na bagot na at walang magawa

Ay napili pa ng tadhanang pagtripan ang aking pag-iisa

Biglang tumugtog ang awitin na paborito nating dalawa

Nakatulala, naalala ka na naman sinta!

Bakit kahit anong limot ang gawin ko ay hindi ko magawa.

Para kang isang linta na patuloy na kumakapit sa puso ko at hindi makawala

Gustuhin ko na sanang lumayo upang hindi ko na marinig ang kanta

Pero hindi ko na namalayan na ang awitin na ayaw ko sanang marinig

Ay natapos kong pakinggan.

Tapos na ang kanta, Tapos na.

Tulad ng dati na mayroon tayong dalawa

Kay bilis, kay ilap ng tadhana

Kung gaano kabilis ang paglisan mo sa buhay ko,

ay ganu’n din kahina ang proseso ng paglimot ko sa’yo.

Ikaw pa rin pala kahit dapat sana ay limot na kita.

 

 

Muli na namang naglalaro si tadhana

Bumalik ka na parang wala lang nangyari sa ating dalawa.

Sapilitang inayos ang pira-pirasong bahagi ng nakaraan

pilit binuklat ang pahina ng kahapon na hindi na dapat sana pang binalikan

Kasi kapag nasimulan muli at bumalik sa dati ang lahat

ay babalik muli sa umpisa ang lahat-lahat.

 Masaya, walang katapusang ligaya,

papangarapin muli ang buhay na makasama ka hanggang sa huling hininga

na para bang sa kabila ng anumang unos at pagsubok na susubok sa katatagan nating dalawa

ay mananatili ka at hindi matitinag, tatayo at hindi yuyuko

Dahil yun ang sabay nating pinangako sa isat-isa, hindi ba?

Ang hindi sumuko, ang lumaban at huwag bumitaw

Mahal naman! Bakit naging mahina ka?

Lahat- lahat yata ng sinabi mo ay kinain muna.

 

 

 

 

Tumalikod kang bigla na kahit sa konting paglingon man lang ay hindi mo ginawa.

Ang pag-ibig ay minsan din palang nakakatanga,

Dahil gaano man kasakit at kahaba ang ibinaon na patalim sa puso iyong sinta

Ay magpapakatanga ka,kahit kotang-kota ka na.

Ikaw pa rin pala, na dapat sana ay sinukuan na kita.

 

Ngunit isang araw ay nabagok ang ulo ko,

 tumagos sa isip ko, natauhan, nagising at natuto

na ang mahalin kang muli ay walang kasiguraduhan,

na ang mahalin kang muli ay isang katangahan,

na ang pagbibigay ng isa pang pagkakataon ay kailanma’y hindi mabisang sagot

 upang pulutin ang lahat ng naitapon

na hindi sa lahat ng panahon ay ganoon na lamang kadali

ang paghingi ng ikalawang pagkakataon 

Panahon na para itama ang mali,

Panahon na para buuin at hanapin ang naligaw na sarili

Ang sarili na nawala nung makilala kita.

Ibabalik ang dati na walang ikaw sa piling ko sinta.

At tuluyan ng bumitaw, totohanin ang pamamaalam

Susuwayin ang nais ng puso at paiiralin ang sinisigaw ng isip.

Iisipin ko nalang na ito ay isang masamang panaginip,

na sa paggising ko ay magiging maayos ang lahat.

Kaya kahit ikaw parin sinta ay sasanayin ko na ang aking sarili.

Paulit-ulit na gagawin ang mga nakasanayan ko dati

 at nanaisin ang maging makasarili.

Ipipikit ang aking mga mata,pipiliting kalimutan ka.

Pupunitin ang bawat pahina ng aklat ng aking buhay na kung saan ay kasama ka.

Itatapon at lilimutin ang lahat-lahat

Magpapakatatag kahit na mahina’t marupok ako.

Alam kong mahirap,

Alam kong masakit ngunit alam kong ito’y sa umpisa lang.

Ngayon ay pipiliin ko na ang pinaniniwalaan kong tama,

At gagawin ko ang huling pagpapakatanga,

Oo! Ito na ang huli kong pagpapakatanga!

Mamahalin kita sa huling tingin, mamahalin kita sa huling yakap

at higit sa lahat mamahalin kita sa ilang segundo,

 pero pagkatapos nito, pangako ay bibitaw na ako.

Ikaw pa rin pala… pero pagod na ako.

© 2017 Yassi Asher


Share This
Email
Facebook
Twitter
Request Read Request
Add to Library My Library
Subscribe Subscribe


Stats

190 Views
Added on November 23, 2017
Last Updated on November 23, 2017
Tags: melancholic, kindred

Author

Yassi Asher
Yassi Asher

Lapu-Lapu City, Region 7, Philippines



About
I am Eliogen P. Arong .I am 24 years young. My boyfriend is a pen.I am engaged with music and married with poetry. I love writing but writing loves me more. more..

Writing