Lena

Lena

A Story by shyhaida

Sa buhay, laging nariyan ang desisyon. Mga desisyon na kung minsan ay hindi natin ginusto kung hindi dahil kailangan at iyon ang natatanging dapat gawin. Mga desisyong kung minsan ay humahantong sa isang malaking pagkakamali at pagsisisi.  Mga desisyong nagtutulak papalayo sa mga taong mahalaga sa atin.

~•~


Lumaki akong malayo sa kabihasnan, malayo sa ingay ng lungsod, malayo sa nagbabagong mundo. Nagtatrabaho ang tatay noon bilang karpentero sa isang  construction site sa kabayanan. Ang nanay ay naglalabandera upang makatulong din kahit papaano sa gastusin sa bahay. Lahat kami ay nag-aaral. Sinisikap ng mga magulang ko na mapaaral kami sapagkat ang sabi nila'y iyon lang ang tanging yamang maipamamana nila sa amin. Hindi ko lubusang naunawaan ang pahayag na iyon ng Inay.  Ayaw kong mag-aral noon sapagkat ang akala ko'y walang silbi ang paaralan at ang mag-aral ay para lang sa mga taong may sapat na salapi.

Hanggang sa dumating ang araw na iyon, araw na nadama ng aking munti at mahinang puso ang unang dagok ng kasawian.

Namatay ang tatay pagkatapos mahulog sa mataas na gusaling pinagpapandayan. Hindi man lang nanagot sa pagpapalibing kay Tatay ang may-ari ng gusaling ipinapagawa. Binigyan lamang kami ng limang daang piso para sa pinsalang natamo ng tatay. Limang daang piso. Limang daang piso para sa napatid na buhay ng tatay. Limang daang piso para sa isang amang inaasahan ng kanyang asawa't limang anak. Limang daang piso para sa isang mapagmahal na nilalang.

Humahagulgol ako noon habang kaharap ang bangkay ng Itay nang lumapit ang nanay at sinabi ang mga pangungusap na muli ay hindi ko naintindihan. 

"Walang puwang ang mga mahihirap sa mundong ito." At saka niya ako sinaluhan sa pag-iyak.

Pagkalipas ng isang buwan, pagkatapos bumagsak ang haligi ng aming tahanan, pagkatapos pumanaw ng tatay ay napilitang bumalik ang nanay sa kinalakhan niyang bayan. Ang bayan na pinagmulan ng kanyang mga magulang na matagal nang wala. Nagtungo kami roon kasama ang aking apat na kapatid. Nagtungo kami roon upang magsimula ng panibagong buhay, upang magsimula na kasa-kasama lamang ang mga alaala ni tatay.

Tumira kami sa bahay ng mga magulang ni Nanay. Wala kaming kahit isa mang kamag-anak doon sapagkat nag-iisang anak lamang ang nanay. Malayo naman sa amin ang mga pinsan niya.

"Nay, 'di na po ako mag-aaral." Mahina kong sabi noon habang pinipilipit ang mga damit na binabanlawan namin ni Nanay.

"Kaya nga ako nagtitiyaga na makakuha ng maraming labahan ay upang makapag-aral kayo. Pangarap ng tatay ninyo na makapagtapos kayong lahat." Sagot ng Inay.

"Dito na lang ho ako sa bahay, Inay, tutulungan kita sa paglalabada at sa mga gawaing bahay. Sina Emily na lang ho ang pag-aralin ninyo." Paliwanag ko.

"Anak, nasa ikaapat na taon ka na, malapit ka nang magtapos. Kahit 'yun lang. Kahit high school lang."

Ngunit kahit anong pilit ang ginawa ng Inay ay hindi niya nagawang pasang-ayunin ako. Sadyang napakatigas ng ulo ko. Ayaw ko kasi talagang mag-aral. Pakiramdam ko noon sinasayang ko lang ang oras at pera para sa pag-aaral eh halos wala naman akong matutunan. Hindi naman kasi gaanong katalas ang isip ko.

Nanatili ako sa bahay. Nagpatuloy sa kanilang pag-aaral ang tatlo kong kapatid. Si Micheal ay nasa ikalawang taon na sa hayskul, si Emily ay nasa unang taon at si Ella ay nasa ikalawang baitang pa. Si Mike ay hindi pa nag-aaral.

Tinutulungan ko ang nanay sa paglalaba, ako ang umiigib ng tubig sa poso na nasa bakuran namin, ako ang nagbabanlaw, ako ang nagsasampay at kung minsan ay ako ang kumukuha't naghahatid ng mga labahan.

Dahil sa desisyon kong manatili sa bahay at tulungan ang nanay ay nakilala ko ang isang pag-ibig na magpapaunawa sa akin ng tunay na kahulugan ng buhay.

Hindi ko inaasahan noon na may isang taong lihim palang may pagtingin sa akin. Hindi ko alam na sa tuwina pala ay inaabangan niya ako sa tindahan ni Aling Ebeng kung saan una niya akong nakita. Wala sa loob kong mag-uukol siya ng pagtingin sa akin. Sino nga ba naman ang magkakagusto sa isang tulad ko? Isang anak maralita, walang nalalaman sa labas ng mundong ginagalawan at walang maipagmamalaking kahit ano.

Hanggang sa sinubukan niyang magpakilala sa akin. Isang pagpapakilalang nagpasindak sa mangmang ko pang puso noon.

"Ang dami mo yatang dala, tulungan na kita." Ang puno ng tiwala sa sarili niyang sabi na para bang kilalang-kilala ako.

Ang totoo'y marami talaga akong dala. Mga gamit sa paglalaba. Pero sisiw lang ang mga iyon para sa isang katulad kong sanay at laki sa hirap.

Sa halip na matuwa ako sa pag-alok niya ng tulong eh nailang at natakot lamang ako. Hindi ako sanay na kinakausap ng lalaki, ng lalaking hindi ko kilala.

Hindi ko siya pinansin at nagpatuloy ako sa aking paglalakad.

"Teka, masama bang magpaka-gentleman?" Pabiro niyang tanong.

Hindi ako natuwa sa kanyang pagbibiro. Nagpatuloy pa rin ako sa aking paglalakad at lalo pa itong binilisan. Lalo lang akong nailang sa kanya. Nakakatakot siya. Hindi ko maintindihan.

"Siguro masipag ka. Alam mo, maswerte ang mapapangasawa mo, bukod kasi sa maganda ka na, napakasipag pa."

Nagsalubong ang mga kilay ko pagkatapos niyang sabihin ang mga iyon.  Sino ba siya para sabihin ang mga 'yon? Kakakilala ko pa nga lang sa kanya eh.

Lalo ko pang binilisan ang lakad ko na para bang gusto ko nang makarating ng bahay sa isang hakbang lang.

Nakakatakot talaga siya.

"Teka, William ang pangalan ko. William. Tandaan mo 'yan, ha."

Naging madalas ang pagkikita namin nang lumaon pa ang mga araw. Lagi siyang nakatunghay sa tindahan ni Aling Ebeng na kung minsan ay suot pa ang unipormeng pang-eskwela niya, kaya kung minsan ay si Ella o si Emily na lang ang inuutusan ko. Natatakot ako sa kanya kaya kapag nagkikita kami ay dali-dali akong iiwas at tatakbo palayo sa kanya. Hindi ko maintindihan, hindi naman nakakatakot ang mukha niya, bagkus ay may itsura siya, walang anumang nakakatakot sa kanya ngunit sa tuwina kapag nakikita o nakakasalubong ko siya ay magkakambal na inis at takot ang nararamdaman ko. Kumakabog nang malakas ang puso ko.

Nabigla na lang ako nang umagang iyon, kukunin ko noon sa bahay ni Aling Minang ang mga damit na palalabhan niya nang lumabas si William galing sa loob ng bahay. Hindi ko sinasadya iyon, kung alam ko lang na nandoon pala siya sana ay si nanay na lamang ang pinapunta ko roon. Bakit nga pala nandoon siya? Doon yata siya nakatira.

"Nandito pala si Miss Masungit! 'Wag mong sabihing ako naman ngayon ang sinusundan mo." Pang-aasar niya.

Lalo niya lang dinagdagan ang inis ko sa kanya. Buti na lang---para na rin akong nakaganti---binatukan siya ng lola niya.

"Itong batang ito! Huwag mo ngang idadamay si Ineng diyan sa kapilyuhan mo." At saka bumaling sa akin. "Pasensya ka na sa apo ko, iha. May toyo ang utak nito. O siya, kukunin ko lang muna ang maruruming damit nang madala mo na sa inyo at nang tigilan ka na nitong apo ko."

Naiwan kaming dalawa sa terrace. Muli ay nadama ko ang magkakambal na takot at inis.

Inalok niya ako ng upuan ngunit hindi ako natinag sa posisyon ko at hindi ko man lang siya sinulyapan.

Kumaba bigla ang dibdib ko nang lumapit siya sa akin, yumukod at pinagmasdang mabuti ako. Napaatras ako sa ginawa niya.

"Ellena. Ellena, hindi ba? Lena ang palayaw mo."

Nabigla ako nang marinig iyon. Paanong nalaman niya ang pangalan ko?

"Nakakapagsalita ka ba?" Ang nakangiti pero pilyong tanong niya. "Naiintidihan mo ba ako? Ah, ganito na lang..."

Tumayo ulit siya nang tuwid at sa pamamagitan ng mga simbolo ay ginawa niya ito... 

Itinuro niya ang kanyang dalawang hinlalaki sa sarili niya, pagkatapos ay gumawa ng hugis puso sa hangin gamit ang kanyang hintuturo at saka ako itinuro. Natawa ako sa ginawa niyang iyon, totoo nga ang sinabi ng lola niya.

"May toyo ka nga talaga sa utak!" Natatawa-tawang sabi ko.

Pagkatapos ng pangyayaring iyon, aaminin kong nawala kahit kaunti ang magkakambal na inis at takot at nahalinhan ito ng kaunting... pagkagusto... kasi nakakatawa siya.

Muli kaming nagkita nang sumunod na araw, papalabas ako ng baryo namin papunta sa kabayanan upang ihatid ang mga damit na pinalabhan sa amin.

"Lena!" Ang tinig na naulinigan ko.

Lumingon ako kasabay ng paglakas at pagbilis ng pintig ng puso ko.

"Nariyan na naman siya." Kinakabahang bulong ko sa sarili ko.

Nakasuot siya ng uniporme at sa tingin ko'y papasok siya ng unibersidad kung saan siya nag-aaral. Malapit lang sa amin ang unibersidad na pinapasukan niya. Teka, paano ko nga ba nalaman ang unibersidad kung saan siya nag-aaral? Hala.

"Ako na'ng magdadala nito." Sabi niya at walang pagdadalawang-isip na kinuha ang dala kong basket na kinalalagyan ng mga damit. "Pambihira ka naman! Ang bigat-bigat pala nito, kababae mong tao ganito kabigat ang dinadala mo. Sana sumakay ka na lang ng traysikel."

Napakunot ang noo ko. Buti sana kung ang laki-laki ng ibinabayad sa amin ng mga nagpapalaba, walang pagdadalawang-isip akong sasakay ng traysikel kasi tama siya, mabigat talaga 'yung basket. Pero kakarampot lang 'yung kinikita namin, anong magagawa ko? Eh 'di nabawasan pa ng halos kalahati 'yung kikitain namin ngayon kung sumakay ako ng traysikel.

"Nabibigatan ka naman pala, eh 'di akin na. Hindi naman kita inutusang dalhin 'yan." At saka ko akmang kukunin 'yung basket pero iniwas naman niya sa akin.

"Sungit talaga! Nag-aalala lang ako, naglalakad ka rito sa malaking kalsadang ito na dala-dala ang ganito kabigat at kalaking bagay. Mamaya ano pa'ng mangyari sa'yo."

Sa hindi malamang dahilan, bumilis ulit ang pintig ng puso ko.

"H-hindi magandang tignang d-dala-dala mo 'yan. Marurumihan lang ang uniporme mo." Wala na akong ibang maisip na sabihin pagkatapos ng sinabi niya.

"Uy, caring. Nag-aalala din siya sa'kin este sa uniporme ko." At saka siya tumawa nang malakas.

Nag-init ang pisngi ko. Ayaw kong tinutukso ako. Ang bilis pa rin ng pintig ng puso ko.

At saka anong nag-aalala ako sa kanya?

"Akin na!" Naiinis kong sabi habang binabawi sa kanya ang malaking basket ng mga damit. Naiinis ako kasi nakakainis siya. Naiinis ako kasi hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko.

Ngunit kahit anong pilit ko ay ayaw niyang ibigay. Ang tigas ng ulo niya.

Habang patuloy kami sa paglalakad, dumarami rin ang mga taong paroo't parito. Marami sa nakasalubong namin ay kakilala at kaklase ng katabi ko. Nag-uukol pa nga ng ngiti at pagbati sa kanya ang mga ito kasabay ng pagtataka dahil sa dala-dala niyang bagay. Karamihan pa nga sa nag-uukol ng ngiti sa kanya ay mga babaeng kaklase o kaeskwela niya na ang layo kung ikukumpara sa akin. Aaminin kong hindi ako natutuwa sa nakikita ko. Pero teka lang, bakit ko ba ikinukumpara ang sarili ko sa kanila? Nahihibang na yata ako.

"Alam mo, itong kasama mo, kilala halos sa buong campus. Dapat pa nga pinupuri mo ako dyan sa halip na ganyang tingin ang ipinupukol mo sa'kin. May itsura kaya itong kasama mo pero kung tumingin ka sa'kin parang ang pangit-pangit ko. Hello? Ang gwapo-gwapo-gwapo ko kaya." Puno ng tiwala sa sarili niyang sabi dahilan para ikutan ko siya ng mata. Pero aaminin ko sa sarili ko na totoo ang mga sinabi niya.

"Siguro may bagyong paparating," sabi ko habang binibigyan siya ng tingin na para bang hindi kapani-paniwala ang sinabi niya. "Ang hangin, eh."

Sa halip na matuwa ako dahil naipamukha ko rin sa kanya ang kahanginan at kayabangan niya, ako pa itong lalong nainis. Tumawa kasi siya nang nakakaloko, 'yung tawang malakas na malakas na halos mapunit na ang bibig niya, 'yung tawang parang wala nang bukas.

"Akalain mo, marunong ka palang magbiro!"

Naningkit ang mga mata kong tumingin sa kanya atsaka ko siya sinimangutan.

"Akin na nga 'yan!" Naiinis ulit kong sabi sabay bawi ulit sa basket na dala pa rin niya.

"Cute. Pero ang pikon, talo." Nakangiting nakakaloko niyang sabi.

Tinignan ko siya nang masama. Nakakainis talaga siya. Bakit ba ang galing niyang mang-asar?

Pero dahil sa tinging ipinupukol ko sa kanya ay tumigil siya sa pagngiti. Natakot yata.

"Siyangapala, nag-aaral ka ba?" Seryoso na niyang tanong bigla.

"Bakit mo naitanong?"

"Wala lang. Gusto ko lang malaman."

"Hindi na, ayokong mag-aral." Simple kong sagot.

"Dapat nag-aaral ka. Isipin mo'ng kinabukasan mo. Pero kung sabagay, kapag sinagot mo ako, sigurado na'ng kinabukasan mo." Atsaka niya ako kinindatan.

Namilog ang mga mata ko sa sinabi at ginawa niya. Kasabay nito ang paglakas at pagbilis ulit ng pagkalabog ng puso ko. Anong sinasabi niya? Dahil hindi ko na alam ang gagawin ko, tinignan ko siya nang masama at umasta akong nagagalit.

"Sabi ko na nga ba, 'yan ang magiging reaksyon mo. Ang cute talaga." Atsaka siya ngumiti sa akin. Naramdaman kong nag-init ulit ang mga pisngi ko.

"Pero kahit cute ka dapat nag-aaral ka." Lalo kong naramdamang nag-init ang mga pisngi ko. Pakiramdam ko nagliliyab na ito. Bakit paulit-ulit niyang sinasabi 'yon?

"Ngapala, kahit hindi ka nagtatanong at kahit wala kang pakialam, nasa ikalawang taon na ako, kumukuha ng kursong Engineering. Mahirap, pero dahil gusto kong umunlad sa hinaharap, nagtitiyaga ako. Dapat ganoon ka din. Mahirap na, baka magsisi ka. Sabi nga nila 'di ba, nasa huli ang pagsisisi."

Natigilan ako sa mga sinabi niya at sandaling nag-isip. Tama nga siya. Pero kahit anong tama pa ang sabihin niya hindi na mababago pa ang pasya ko. Buong-buo na. Kaysa waldasin ng Nanay ang pera sa pag-aaral ko, naisip kong mas mabuting gamitin na lang iyon sa pang-araw-araw naming gastusin. Hindi naman kasi kami papakainin ng pag-aaral ko, hindi ito nakakabusog, nakakagutom nga eh.

Tiningnan ko siya. Pawis na pawis na dahil sa dala niyang bagay na sobrang bigat. Natawa ako pagkatapos.

"Umagang-umaga pa naliligo ka na sa pawis." Natatawa-tawang sabi ko.

Bumaling siya sa akin na nangungunot ang noo. Sa kauna-unahang pagkakataon tinignan niya ako nang gano'n.

"Paanong hindi ako pagpapawisan, eh sobrang bigat nito. Pero exercise na rin ito nang magka-abs ako, tapos pagpapantasyahan mo ako." Puno ulit ng tiwala sa sarili niyang sabi habang itinataas-baba nang mabilis ang kanyang mga makakapal na kilay.

"Ewan ko sa 'yo. Baliw." Nasabi ko na lang kasi wala na akong ibang maisip na isagot. Nababaliw na talaga siya.

"Baliw sa 'yo."

Ewan ko talaga sa kanya. Pero aaminin kong napangiti ang puso ko.

Nang maihatid niya ako sa bahay na pupuntahan ko, hinintay niya ako at saka ako pinasakay ng traysikel pauwi sa amin.

"Sumakay ka na. Baka ano pa'ng mangyari sa 'yo, hindi ka sanay rito sa lungsod."

Iba pala siya. Ibang-iba. Nagkamali ako. Dahil sa pangyayaring iyon, ang isang simpleng pagkagusto ay nauwi sa totoong pag-ibig. Mahigit isang taon din siyang nanligaw sa akin at hindi nagtagal ay ibinigay ko rin ang matamis kong sagot. Siyempre, ang desisyon kong iyon ay hindi nagustuhan ng Inay. Ngunit nang makilala niya si William nang lubusan at nalaman din niyang apo ni Aling Minang, nagbago rin ang pagtingin niya rito. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nasabi ko ang mga salitang "mahal kita" nang hindi ko namamalayang lumabas mula sa bibig ko. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nadama ng munti kong puso ang tamis ng unang pag-ibig.

Lumipas ang dalawang taon.

Alam kong napakasaya niya nang araw na iyon. Sa wakas ay nakamtan rin niya ang minimithi niyang tagumpay at sa wakas ay nasuklian din ang kanyang pagtityaga. Sinabi niya minsan, mahirap ang kurso niya ngunit dahil sa pangarap niya ay hindi niya magawang sumuko. Ano nga ba ang pangarap niya? Walang iba kung hindi ang magkaroon ng magandang buhay sa hinaharap... kasama ako, magkaroon ng maraming anak at kahit kailan ay hindi patitikimin ng hirap.

Hindi naging perpekto ang pagsasama namin sa dalawang taong lumipas. Ngunit dahil doon ay mas lalo kaming tumatag. Marami akong natutunan sa kanya tungkol sa buhay. Siya ang taong hindi nauubusan ng salita. Ang tali-talino niya. Ang daming kakaiba sa kanya na sa kanya ko lang nakita at 'yun ang dahilan kung bakit mas lalo ko siyang minahal. Ibang-iba siya. Ibang-iba sa lahat ng nakilala ko. Siya ang nagbibigay ng lakas ng loob sa akin kung sakaling hindi maibigay ng inay. Tinanggap niya ako, lahat-lahat sa sarili ko ay tinanggap niya nang buong-buo. Ipinakita niya sa akin ang kapangitan ng mundo at dahil doon ay lubusan kong naintindihan ang buhay. Higit sa lahat, lagi siyang nasa tabi ko, laging nariyan sa sandaling kailangan ko siya. Ngunit isang bagay lang ang palaging hindi namin napagkakasunduan... ang aking pag-aaral. Ilang ulit niya akong pinilit na bumalik sa pag-aaral ngunit sadyang matigas talaga ang ulo ko.

Hindi nagtagal, dumating ang araw na pinangangambahan ko. Kinailangan niyang lumuwas patungo sa lugar na malayong-malayo. Malayong-malayo sa akin. Mag-aaral siya ulit. Magma-masteral daw. Dalawang taon siyang mawawala.

"May natapos ka na, hindi ba?" Ang lumuluha kong pagtutol sa pag-alis niya. Hindi ko kayang malayo sa kanya.

"Wala akong magagawa, Lena. Kagustuhan ni Mama." Sabi niya sabay hawak sa kamay ko.

Siyangapala, ayaw na ayaw ng Mama niya sa akin. Tutol na tutol sa pag-iibigan naming dalawa.

"Malaki ka na, hindi ba? Kailangan bang Mama mo pa ang magdesisyon para sa 'yo?" Galit ko nang sabi.

Wala akong narinig na sagot mula sa kanya. Sa halip ay mas lalo niyang hinigpitan ang hawak sa mga kamay ko at saka hinalikan ako sa noo, pero hindi ako natinag.

"Para sa 'yo 'tong ginagawa ko. Para sa kinabukasan natin." Paliwanag niya. Napakahigpit ng hawak niya sa mga kamay ko na para bang ayaw na niyang bitawan kahit kailan.

"Ang sabihin mo, matayog lang talaga 'yang pangarap mo. Sa sobrang tayog, nakahanda kang iwan ako. Nakahanda kang pumunta roon sa malayong lugar na iyon nang walang kasama. Siguro, gusto mo talagang malayo sa akin para makahanap ng ibang babae." Aaminin kong napaka-isip-bata ko.

Tumawa siya sa sinabi ko. Pagkatapos ay pinagpupugpog ng halik ang mga kamay ko.

"Hindi mo yata talaga ako kilala nang lubos." Halos nagtatampo niyang sagot. "Maghahanap pa ba ako ng iba kung na sa 'yo na ang lahat? Sabihin mo nga, kailan ba kita ipinagpalit sa mga babaeng nasa paaaralan ko? Ipinagpalit ba kita sa mga babaeng gusto ni Mama para sa akin? Hindi na ako maghahanap pa, lahat ng hinihiling ko na sa 'yo na. Lahat. Ikaw ang buhay ko at kahit kailan hindi ko ipagpapalit ang buhay ko para sa iba."

Hinalikan niya ako ulit sa noo.

Nagsisimula na namang lumundag nang mabilis ang puso ko.

Sa huli, wala rin akong nagawa. Lumuwas siya at iniwan ako. Ngunit, nangako siya sa akin. Mga pangakong pinanghawakan ko hanggang sa huli. Nangako siyang ako lang ang mamahalin niya, ako lang. Kasabay ng pangakong iyon ay ang hindi kami titigil sa pagsusulatan. Ang bagay lang na iyon ang nagsilbing tulay upang patuloy naming maabot ang isa't isa, ang nagsisilbing daan upang lagi naming malaman ang nangyayari sa buhay ng isa't isa. Lagi akong nangangamba na baka ang dami na niyang magagandang babaeng nakita at nakilala at baka magkaisip siyang iwan ako. Ngunit sa tuwina ay ganito ang sagot niya... Maganda man sila, wala pa rin sila sa prinsesa ko.

Lumipas ang siyam na buwan at kalahati, isa muling dagok ang dumating sa buhay ko, sa buhay naming magkakapatid. Pumanaw ang Inay pagkatapos magkasakit sa baga dahil sa paglalabada. Hindi ko matanggap ang pangyayaring iyon. Bakit kailangang kunin agad sa amin ang Inay? Gulong-gulo ako noon. Hindi ko alam kung ano'ng gagawin ko. Hindi ko alam kung saan kukuha ng pera para sa pagpapalibing kay nanay. Buti na lang ay naroon si Aling Minang na handang-handang tumulong sa amin. Nalagpasan namin ang pagsubok na iyon. Halos isang buwan din akong nagluksa sa pagkawala ng Inay. Ngunit ang hindi ko alam ay isa pa palang napakalaking pagsubok ang nakaatang sa akin---ang mga kapatid ko. Paano ko sila bubuhayin? Sinubukan ko ang hanapbuhay ng Inay. Naglabada ako. Sa simula'y nabuhay at napakain ko nang maayos ang aking mga kapatid. Nahinto nga lang si Micheal sa pag-aaral sapagkat wala akong maipantustos para sa kanyang pagkokolehiyo. Tinutulungan niya ako sa paglalaba. Paminsan ay tumutulong siya sa paghuhugas ng plato sa iba't ibang karinderya sa kabayanan at kahit papaano'y nakakatulong iyon sa amin. Sinubukan niyang mag-apply ng trabaho sa mga malalaking restawran ay fastfood ngunit tinatanggihan daw siya. Nagtataka ako kasi napakasipag naman ng kapatid ko.

Ngunit sa hindi inaasahan, isa pa palang pagsubok ang susubok sa aking katatagan. Nagkasakit ng dengue si Ella. Ayaw kong malagay sa alanganin ang buhay ng kapatid ko kaya kaagad ko siyang dinala ng ospital. Nailigtas ang buhay ng aking kapatid. Akala ko doon na magtatapos ang aking kalbaryo, mayroon pa pala. Paano na ang pambayad sa ospital. Walang-wala akong ipon. Paano nga ba naman ako makakaipon kung kakarampot lang ang kinikita ko sa paglalabada. Hindi ko alam kung saan kukuha ng perang pambayad. Hindi ko alam ang gagawin. Pero isa lang ang naisip kong tatakbuhan... si Aling Minang, si Aling Minang na handang tumulong sa akin kahit anong oras ko kailangan ng tulong niya. Binayaran niya ang kalahati ng gastos sa ospital. Nailigtas ang buhay ng kapatid ko.

Nang malampasan ko ang pagsubok na iyon, isa na namang pagsubok ang dumating sa akin. Napapatanong ako sa Diyos kung kailan niya ititigil ang pagpapasakit sa akin. Hindi ako masamang tao pero bakit niya ako pinaparusahan nang ganito?

Sinisingil kami ng Mama ni William sa perang naibayad sa pagpapa-ospital kay Ella. Hindi ko ulit alam ang gagawin ko. Saan ako kukuha ng pera kung sa paglalabada pa lang ay kulang na kulang na sa amin at halos hindi ko na mapakain nang mabuti ang mga kapatid ko?

Nagkaroon kami ng kasunduan ng mama ni William. Ang kalahati ng perang ibinabayad sa akin sa tuwing may nagpapalaba ay kukunin niya bilang pambayad sa utang namin sa kanya. Iyak ako nang iyak. Mayroon pa ba akong ipampapakain sa mga kapatid ko kung ang kakarampot kong kinikita ay hahatiin pa?

Unti-unting humaba ang listahan ng utang namin kay Aling Ebeng. Hindi ko na matustusan ang mga pangangailangan sa bahay. Apat na bibig ang kailangan kong subuan. Kaya napilitan akong pahintuin sa pag-aaral ang mga kapatid ko. Naisip kong maghanap ng ibang trabaho sa bayan, doo'y malaki-laki ang sahod. Tinulungan ako ni Aling Minang na panay ang paghingi ng tawad sa akin dahil sa pagmamalupit ng kanyang anak sa akin. Sinubukan daw niyang kausapin ang Mama ni William pero sadyang napakatigas daw ng puso nito pagdating sa akin. Sino ba naman kasi ako para magustuhan ng Mama ni William? Isang hamak na labanderang walang pinag-aralan. Paano niya ako magugustuhan para sa kanyang anak?

Ganito pa man, laking pasasalamat ko pa rin at ibinigay ng Diyos sa akin si Aling Minang na kung hindi dahil sa kanya siguro'y hindi ko malalampasan ang mga pagsubok na iyon. Kung naroon lang sana si William, siguro mas lalong titibay ang loob ko.

Naghanap kami ni Aling Minang ng mapagtatrabahuhan ko. Ngunit sadyang malupit ang kapalaran. Walang tumatanggap sa akin. Kahit daw kasi hayskul ay hindi ako nakatapos, paanong makakapasok ako sa trabaho. Hindi kami sumuko ni Aling Minang. Ngunit bawat establishimentong pinapasukan namin ay laging tinatanggihan ako. Sadyang napakapihikan na ng mundo. Napakataas na at ang mga katulad kong mahirap ay malayong maabot ang nagbabagong mundo. Naisip ko, 'yung mga nakapagtapos nga ng kolehiyo hirap makahanap ng trabaho, ako pa kayang kahit hayskul ay hindi natapos? Naalala ko ang sinabi sa akin ni Nanay at ni William noon. Ngayon ko lang naramdaman ang malaking pagsisisi. Kung ipinagpatuloy ko lang sana ang aking pag-aaral ay hindi sana ako magkakaganito.

Madalang na lang akong nakakasagot sa mga liham ni William. Gustuhin ko mang masagot lahat ng ipinapadala niyang sulat ay wala akong magawa. Kapos kami. Halos magtampo na nga iyon at ang sabi pa niya'y mukhang nakakalimutan ko na siya. Kung alam niya lang. Kung alam niya lang kung gaano ko gustong makita at mayakap siya. Kung alam niya lang na walang araw na hindi siya sumagi sa isip. Kapag nga nakakasulat ako sa kanya, sa awa ng Diyos, hinahabaan ko ang sulat ko at ibinabalita sa kanya ang lahat-lahat ng mga nangyayari sa akin. Dahil sa mga sulat niyang nagpapalakas ng loob ko ay nanatili akong matibay sa hamon ng buhay. Gusto man niyang umuwi ay wala siyang magawa. Isa pa'y malapit na rin siyang umuwi, ilang buwan na lang ang malalagas.

Ngunit dumating sa puntong kahit isang butil ng bigas ay wala akong maisubo sa mga kapatid ko. Hindi ko na alam ang gagawin ko lalo na nang tuluyang natigil na ako sa pagpapadala ng sulat kay William sapagkat wala na talaga akong maipambayad sa pagpapadala. Kung minsan ay binibigyan kami ni Aling Minang ng ulam at mga kailanganin namin. Pero dahil sa ayaw ko namang abusuhin ang kabaitan niya'y hindi na ako nagpapahalata sa dinaranas namin.

Hanggang sa pinalad akong magkaroon ng hanapbuhay. Sa gabi lamang nagbubukas ang pinagtatrabahuan kong iyon at sa gabi rin ako nagtatrabaho. Dahil dito'y natustusan ko nang maayos ang mga pangangailangan namin. Nabayaran ko ang utang namin kay Aling Ebeng at sa Mama ni William. Muli akong nakasulat nang madalas kay William.

Ang pangako ko sa sarili ko'y iipunin ko ang sweldo ko at kapag malaki-laki na'y iiwan ko na ang trabahong iyon. Araw-araw akong nagtitiis sa trabaho kong iyon. Mahirap at masakit sa dibdib. MInsan hiniling ko na sana'y paggising ko isang umaga ay  magkaroon ng himala. Isang himalang magpapatigil sa akin sa hanapbuhay kong iyon. Sa tuwing pumapasok ako sa pinagtatrabahuhan ko ay si William ang nasa isip ko kakambal nito ang pagdurugo ng aking puso. Bakit ba kailangan kong gawin ang mga ito? Bakit naging akin pa ang kapalarang ito? Ang mga katanungan ko noon ni minsan ay hindi nagkaroon ng kasagutan.

Sa tuwing susulat ako kay William ay hindi maintindihhang pangamba ang nadarama ko. Ibinalita ko sa kanya ang trabaho ko---isang matinong trabaho---ang mabigat sa dibdib kong sulat sa kanya.

Kapag talaga may sapat na akong ipon ay titigil na ako, ang paulit-ulit kong pangako sa sarili ko.

"Ito na. Ito na ang huling gabing gagawin ko 'to." Kinakabahan kong wika habang mahigpit na hawak ang kwintas na bigay sa akin ni William.

Tumuntong ako sa maliit na entabladong iyon. Narinig ko ang hiyawan ng mga lalaking nagsisipanood at ang bawat mata nila'y nakapukol sa akin. Bawat lalaking naroon ay matamang pinagmamasdan ako mula ulo hanggang paa. Nagsimula ang mabagal na musika kasabay nito ang pagsabay ng galaw ng aking halos hubad na katawan. Sa hindi sinasadyang pagkakataon, napako ang mga mata ko sa taong hindi ko inaasahang naroon--- si William. Hindi maipaliwanag na damdamin ang sumakop sa akin nang mga sandaling iyon. Napatda ako at biglang nanghina. Nakatitig siya sa akin at hindi ko nagawang basahin ang mga titig niyang iyon, pero hindi ko man maintindihan ang mga tingin niya ay binasag naman no'n ang buong puso ko, nadurog at nagkapira-piraso.

Pagkatapos ay bigla siyang tumalikod, naglakad palayo at nawala sa karamihan ng tao. Umalis ako sa entabladong iyon at naiwang mag-isa ang musika. Madali kong tinungo ang daan palabas, palabas sa nakakadiring lugar na iyon upang maabutan pa si William, upang mayakap siya at upang maipaliwanag sa kanya ang lahat. Ngunit sa tuwing hahakbang ako'y takot at pangamba ang nadarama ko. Sa bawat hakbang ko'y siya namang halos paglabas ng puso ko sa dibdib ko.  Sa bawat paghakbang ko'y isang paghahanda sa mangyayaring alam kong hindi ko gugustuhin kahit kailan.

"William!" Pasigaw kong pagtawag sabay takbo patungo sa kanya.

Lumingon siya. Hindi na ako nag-abalang tignan pa ang emosyon sa mukha niya sapagkat labis-labis na pananabik lang ang nararamdaman ko, pananabik na wala na akong ibang gustong gawin kung hindi ang yakapin siya nang mahigpit na mahigpit. Nang maabutan ko siya'y agad ko siyang niyakap nang mahigpit.

"Bakit hindi ka man lamang nagsabing uuwi---."

Hindi ko natapos ang sinabi ko sapagkat itinulak niya ako palayo sa kanya na para bang isa akong marumi at nakakadiring insektong maaaring magdala ng sakit. Pagkasuklam at pagkapoot ang bumabalot sa kanyang mga mata. Tinitigan niya ako nang buong pandidiri dahilan para mabasag ulit nang pira-piraso ang puso ko.

"Yan ba?! 'Yan ba ang sinasabi mong matinong trabaho?! 'Yan ba, Lena?!" Bulyaw niya pagkatapos ay tinignan ako mula ulo hanggang paa. "Naatim mong magsuot ng ganyang damit?! Sino ka na?!"

Napalunok ako. Ngayon ko lang nakitang ganoon si William.

"A-ako pa rin n-naman ito, William. Si Lena pa rin ito." Nanginginig at basag ang boses na sabi ko habang may namumuo nang butil ng luha sa mga mata ko.

"Ikaw pa ba ang nakilala kong Lena? Sa pagkakaalam ko, malinis at may dignidad na Lena ang minahal ko." Galit na galit siya at hindi ko kayang tignan siya nang ganito. Hindi ko kaya na tinitignan niya ako nang buong pandidiri at pagkasuklam. Parang sandaang matutulis na bagay ang tumutusok sa dibdib ko.

"P-pinanghawakan ko ang pangako m-mong mamahalin mo ako, tatanggapin kahit ano pa ako." Lumuluha nang paliwanag ko.

Bakit ganito?

Ngumiti siya nang pakutya. Wari bang sandaang matulis na bagay ang tumarak ulit sa dibdib ko. Ang sakit. Napakasakit. Walang kasingsakit.

"M-mahal mo pa rin naman  ako, h-hindi ba?" Basag ang tinig ko at hindi ko mapigilan ang pagngilid ng luha mula sa mga mata ko.

Hindi siya umimik. Nag-iwas siya ng tingin sa akin. Ang sakit-sakit na isiping ganito niya ako itrato ngayon. Lalong kumirot ang dibdib ko. Lalong tumindi ang sakit na nadarama ko. Dahil sa tindi ng sakit ay hindi ko namalayang napahawak ako nang mahigpit sa kuwelyo ng damit niya.

"Mahal mo pa ako, hindi ba? Mahal mo pa ako!" Patuloy sa pagtulo ang mga luha ko. Hindi ko mapigil. "William, sabihin mong mahal mo pa rin ako!"

Nang mga sandaling iyon ay tumingin siya sa akin na wala na ang pagkapoot, pagkasuklam at pandidiri sa mga mata niya. Inalis niya ang kamay ko sa kwelyo niya at mabilis na hinawakan nang mahigpit ang mga braso ko.

"Anong pumasok sa ulo mo't nagawa mo 'to?"

Ilang sandali pa'y agad niya akong niyakap nang mahigpit na mahigpit.

"Lena..." Narinig ko ang pagkabasag ng kanyang tinig, pagkatapos ay tumalikod siya't iniwan akong mag-isa sa dilim.

Pagkatapos ng pangyayaring iyo'y umuwi ako ng bahay na balisang-balisa, gulung-gulo ang isip at nagdurugo pa ang puso. Mahimbing nang natutulog ang mga kapatid ko. Dahil sa hindi ko na makayanan pang dalhin at tiisin ang bigat at sakit na nararamdaman ko ay hindi ko napigilang humagulgol. Para akong binagsakan ng langit. Kung alam niya lang sana ang hirap na dinanas ko noong wala siya ay hindi niya masasabi ang mga salitang iyon, hindi sana siya mag-uukol ng ganoong tingin sa akin. Kung naroon lamang siya sa mga oras na kailangan ko siya ay hindi ko magagawa ang bagay na iyon. Bakit ba naging akin pa ang kapalarang ito? Ang paulit-ulit kong tanong sa sarili ko.

Lumipas ang ilang araw ay huminto ako sa pinaka-nakakapandiri at nakakahiyang hanapbuhay ko. Habang nag-iisip ako ng mapagkakakitaan ay bumalik ako sa paglalabada---ang hanapbuhay na laging maasahan at matatakbuhan ko. Gagamitin ko ang perang naipon ko sa pag-aangkat ng gulay sa palengke at ibebenta ko rito sa amin. Dahil dito ay baka sakaling balikan ako ni William. Alam kong magbabalik siya. Pinangako niyang mamahalin at pakakasalan niya ako. Pinangako niya iyon at ang pangakong iyon ang nagsisilbing pag-asa at lakas ko.

Ngunit paano pa ako maniniwala sa pangakong iyon kung ang nangako mismo ay bumitaw na.

"Ba't ka tumigil sa matinong hanapbuhay mo? Isang gabi lang mabubusog mo na ang mga kapatid mo. Anong nangyari? Babalik ka sa paglalabada? Gugutumin mo ulit ang mga kapatid mo?" Pangungutya niya habang nakasandal sa pader ng isang mataas na bahay nang makaraan ako sa harap niya galing sa bahay ng isa sa mga nagpapalaba sa akin.

Napatigil ako. Pakiramdam ko sinasaksak ang puso ko ng mga salita niya. Ang sakit-sakit.

"O, baka naman tumigil ka dahil naghahanap ka ng kostumer na may mas malaking ibabayad sa 'yo. O, baka naman nagsasawa ka na sa mga tao roon at naghahanap ka ng bago." Pakutya siyang ngumiti at muling nagsalita. " Ilang taon mo nang hanapbuhay iyon? Ni minsan ba hindi ka nagsawa sa kakagawa no'n? Ni minsan ba hindi ka nakonsensya?"

Hindi na ako halos makahinga at para bang pinipilipit ang puso ko. Muli ay unti-unting sumungaw ang luha sa mga mata ko. Araw-araw ay dinadala ko ang sakit at pagtitiis huwag lamang magutom ang mga kapatid ko. Sana ay alam niya. Sana ay malaman niya. Dahil sa hindi ko na makayanan pa ay akma akong hahakbang nang bigla niya akong pinigil at hinawakan nang mahigpit ang kanang braso ko.

"Hindi pa ako tapos! Ba't ka aalis? Masakit? Masakit ba'ng katotohanan, ha, Lena?"

Hindi ko na napigilan at napaiyak na ako. Gusto kong pigilin ang luhang pilit na tumatakas sa mga mata ko pero hindi ko mapigil-pigil. Napakasakit. Parang binibiyak ang puso ko.

"Masakit. N-napakasakit. Kaya, sige na, sabihin mo na'ng lahat ng gusto mong sabihin nang matapos na." Sabi kong may pilit na ngiti sa labi ngunit ang mga mata ko ay punung-puno na ng luha.

Hindi ko alam kung anong naramdaman niya ngunit natigil siya't tumitig sa akin, titig na hindi ko kayang basahin kung ano. At ilang sandali pa'y bigla niya akong hinatak palapit sa kanya at akmang hahalikan ako ngunit nagpumiglas ako.

"William, ano ba?!" Halos pasigaw kong sabi.

"Pati ba simpleng halik kailangan ng bayad?" Saka siya may kinuha sa kanyang bulsa. "Kailangan ba ng pera para sa matamis mong halik?"

Hindi ko na napigil ang sarili ko at nasampal ko siya. Nagdurugo ang puso ko sa bawat salitang lumalabas ngayon sa bibig niya. Hindi na siya ang William na nakilala ko.

"Akala ko iba ka!" Basag ang boses kong sabi atsaka ako napahagulgol na. Ang bigat-bigat at ang sakit-sakit ng dibdib ko.

Pakiramdam ko nang mga sandaling iyon ay natauhan siya. Lumamlam ang mga mata niya. Alam ko, damang-dama kong gusto niya akong yakapin ngunit alam kong may pumipigil sa kanya. Pagkatapos ay sinapo niya ng kanyang mga palad ang kanyang noo na para bang sising-sisi siya sa kanyang mga nasabi at nagawa, pagkatapos ay ubos lakas na sinipa ang pader at muli ay iniwan niya akong mag-isa, mag-isang umiiyak, walang karamay gaya ng lagi niyang ginagawa sa akin.

Pagkatapos mangyari ng isa sa pinakamasaklap na pangyayari sa buhay ko'y nawalan ng sigla ang mundo ko. Lalo pang bumigat ang dala-dala ko nang isang araw ay nagisnan kong wala na ang perang pinakatago-tago ko. Ang perang dapat sana'y nakalaan para sa isang malinis na hanapbuhay. Hindi ako magkandatuto sa paghahanap sa perang iyon.

Hanggang sa... nadala ako ng aking mga paa sa isang kainan at doon ay nakita ko si Micheal, ang nakababata kong kapatid. Busog na busog lahat ng mga kaibigan niya. Napakaraming pinggang wala nang laman sa harap nila.

"Micheal, salamat sa libre, ha. Sa susunod uli." Sabi ng isa sa mga kaibigan ng kapatid ko.

Hindi ko kailangang maging matalino para mahulaan kung saan kumuha ng perang panlibre ang kapatid ko.

Busog na busog silang lahat dahil sa perang pinaghirapan at iniyakan ko.

Hindi sinasadyang napabaling sa direksyon ko ang isa sa kaibigan ng kapatid ko. Nagulat siya at tinawag ang pansin ng iba pa niyang kaibigan atsaka ako takot na itinuro. Agad na nagsitayuan ang mga kaibigan ni Micheal at takot din na tumingin sa akin. Dahil sa init ng ulo ko, dali-dali kong dinala ang kapatid ko pauwi sa bahay.

"Sa'n mo kinuha ang perang inilibre mo sa mga kaibigan mo?" Mahina ngunit matigas kong tanong.

Wala akong naulinigang sagot.

"Sa'n mo kinuha ang perang iyon?!" Sumigaw na ako pagkat hindi na kaya ng dibdib ko. Unti-unti namang nagsi-iyakan sina Ella at Mike. "May utak ka ba?! Sa'n ang utak mo?! Micheal! Hindi mo ba alam na importanteng-importante ang perang iyon?!" Hindi ko na napigilang mapahagulgol.

Lalong naging sawi ang buhay ko. Sa tingin ko nang mga sandaling iyo'y hindi ko na kaya pa ngunit dahil nangako ako kay Inay na kahit kailan ay hindi ko pababayaan ang mga kapatid ko ay patuloy akong lumalaban sa mga dagok ng buhay. Kailangan kong tuparin ang pangako kong iyon kay Inay.

Dumaan ang mga araw, mga araw na nang lumaon ay naging buwan. Nanatili akong isang labandera. Tulung-tulong kami ng mga kapatid ko maliban kay Micheal na lalo lamang nasira ang ulo dahil sa mga kaibigan. Pinilit kong baguhin siya ngunit kahit anong gawin ko'y lumalabas lamang sa kanyang kabilang tainga ang mga aral ko. Hindi ako tumigil sa kababalita kay William, kung ano na'ng nangyayari sa kanya ngayon, kung ano na'ng ginagawa niya, at sa pamamagitan noon ay napapasaya ko ang aking sarili at nabibigyan ng dagdag na kabuluhan ang buhay ko. Sapat na para sa aking makita siyang dumaraan araw-araw sa harap ng barung-barong namin. Nagtuturo siya ng Matematika sa unibersidad na dating pinapasukan niya habang naghahanap ng trabahong akma sa natapos niya. Siguro'y masaya na siya ngayon at siguro'y unti-unti na niya akong nalilimot. Sana nga'y masaya na siya sa buhay niya ngayon, dahil dito kahit papaano'y masaya na rin ako.

Isang araw...

Susunduin ko noon si Micheal na siguradong kasama na naman ang mga kaibigan niyang sumisira sa buhay niya. At tama nga ang hinala ko, nadatnan kong kasama na naman niya ang kanyang mga kaibigan. Akala ko'y nagsasaya sila ngunit nang makalapit ako'y nagkakagulo pala.

"Pokpok naman talaga'ng kapatid mo, ah! Ba't ka ba nagagalit, totoo naman, ah?" Pangungutya ng isa na parang punyal na tumarak sa dibdib ko.

"'Wag pokpok, pare. Masyadong asiwa. Magda na lang. O kaya'y Magdalena! Tama! Magda tapos Lena. Tamang-tama! Kaya pala Lena!" Pagkatapos ay nagtawanan sila. Mga tawang tumutusok sa puso ko.

Biglang nagpakawala ng malakas na suntok ang kapatid ko at biglang nabuwal ang batang nagsabi noon. Patakbo agad akong nagtungo sa kanila at madali silang inawat.

"Totoo naman, ah. Magda 'yang ate mo! Magda!"

"Hindi ka titigil?!" Mabalasik na sigaw ng kapatid ko sabay inangat ang kanyang kamao at tila ba handang-handa nang suntukin ang kaibigan niya.

Kaagad kong pinigilan ang kapatid ko sa gagawin niya. Ngunit bigla siyang nagpumiglas at tumitig nang diretso sa akin. Nagliliyab sa poot ang kanyang mga mata. Magkahalong damdamin ang bigla kong nadama. Hindi ko maipaliwanag. Galit. Galit dahil hindi ko maintindihan kung bakit ginagawa ito ng Diyos sa amin. Awa. Awa dahil nadadamay ang mga kapatid ko sa kasalanang nagawa ko. Sakit. Sakit dahil tinitignan ako ng kapatid ko ng ganito, ng tinging kadiri-diri at kasuklam-suklam ako, ng tinging gaya ng tinging ibinigay ni William sa akin noong maabutan niya ako sa pinagtatrabahuan ko. Lahat-lahat ng masasakit na damdamin ay naroon na.

Pagkatapos ng ilang sandali ay kaagad tumakbo palayo ang kapatid ko sa akin. Na para bang pati pagmamahal niya para sa akin bilang kanyang kapatid ay lumalayo na rin.

Bakit ba ang lupit ng mundo? Bakit kailangang mangyari sa akin ito at bakit pati mga kapatid ko ay kailangang madamay sa ginawa kong kasalanan? Bakit kailangan kong magtiis? Ano ba'ng nagawa ko't pinarurusahan ako nang ganito? Punung-puno ng ligalig ang isip at puso ko.

Gabi-gabi, hindi ako makatulog. Iniisip ang lahat ng nangyayari sa buhay ko. Iniisip ang buhay na sa simula'y napakasaya hanggang sa unti-unting nilalamon ng kalungkutan at kasawian, isang buhay na sa simula'y napakaliwanag hanggang sa unti-unting nilipol ng dilim. Iniisip ang bukas kung mayroon ba akong maipapakain sa mga nagugutom kong kapatid. Iniisip ang kinabukasan na hindi ko nagawang pahalagahan sa mga taong lumipas.

Nagpatuloy ang mga panlalait sa akin nang lumaon pa ang mga araw. Lahat ng mga taga-roon sa amin ay panghuhusga at panlalait ang ginagawa sa kin. Kung maaari ko lang sanang ibalik ang kahapon at itama ang pagkakamali ko, gagawin ko. Kung maaari ko lang sanang balikan at baguhin ang mga desisyon ko noon, gagawin ko. Kung maaari lang sana. Pero kahit ano'ng gawin ko ay hindi ko na maibabalik pa ang lumipas. Hindi ko na maitatama pa ang pagkakamali ko. Hindi naman kasi gaya ng isang kwentong isinusulat ng isang manunulat ang buhay na maaaring balikan ang pangyayaring natapos na at baguhin kung ano'ng nasimulan na. Diyos ang sumusulat sa kwento  ng buhay natin at kahit ganito pa man ang nangyayari sa kwento ko ngayon, naniniwala akong may liwanag pa rin sa dulo ng madilim na lagusang tinatahak ko ngayon. Alam kong hindi ako pababayaan ng Diyos kahit na kung minsan ay may pagkakataon na nakakaramdam ako ng pagtatampo at kaunting galit sa kanya. Hindi ako mawawalan ng pag-asa kahit na katiting na lang na pag-asa ang nasa puso ko ngayon.

Ngunit...

Isang araw ay isang balita ang tuluyan nang nagpaguho sa katiting na pag-asang natitira sa akin. Ikakasal na si William. Ikakasal na siya sa kababata niyang gustung-gusto ng Mama niya para sa kanya. Ikakasal na siya sa babaeng higit na malinis kaysa sa akin.

"Nandiyan na si MagdaLENA." Ang sabi ng isang binata sa mga binata ding nakatambay sa tindahan ni Aling Ebeng.

Kagagaling ko noon sa bahay ng isa sa mga nagpapalaba sa akin nang marinig ko ang masasakit na salitang iyon. Sa kasamaang palad ay naroon pa si William. May binibili kay Aling Ebeng. Ayaw kong marinig niya ang mga panghuhusga sa akin. Lalo lamang akong nagiging sawi.

"Psst! Kung gusto mo ng pera, pwede ako, kahit sa gilid ng kalsada ayos na para sa'kin basta ba't matikman lang si Magda."

"Anong sabi mo?!" Biglang mabalasik na wika ni William sabay sunggab sa lalaking nagsabi noon.

At 'di kaginsa-ginsa'y ubos-lakas na binigyan niya ng suntok ang lalaking iyon. Nabigla ako at nabitiwan ang batyang dala ko.

"Gago 'to, ah?!" Sabi ng lalaking nanlilisik din ang mga mata na sinusubukang tumayo galing sa pagkakabuwal niya.

Ngunit muling inulit ni William ang pagsuntok sa lalaking iyon sabay sabing:

"Anong sabi mo?! Ulitin mo!"

Ngunit bigla siyang itinulak ng lalaking iyon at madali itong tumayo.

"Anong sabi ko? Sabi ko, habang nasa malayo ka, 'yang kasintahan mo nagpapakasarap sa piling ng iba. Hindi mo kasi ginalaw kaya nagpagalaw sa iba!"

At muli ay isang suntok na naman ang natanggap niya. Tumakbo agad ako patungo kay William ngunit siya ring paglabas ng galit na si Aling Ebeng at inawat sila.

"Ano ba kayo?! Kung magsusuntukan kayo, 'wag dito! Walang modong mga binata ito!"

At tuluyan na ngang silang naawat.

"Sa susunod na marinig ko uli ang mga sinabi mo, hindi lang 'yan ang matatanggap mo."

Lumayo si William sa kanila at muntikan pa akong mabangga. Tumitig siya sa akin. Poot na poot. Hindi maipaliwanag na galit ang nakikita ko sa mga mata niya at muli ay parang tinarak ng kanyang mga titig ang puso ko.

Pagkatapos ng pangyayaring iyon ay tuluyan na nga kaming nawalan ng pag-asa ni William. Ang kapatid ko'y galit pa sa akin. Kung umuwi ay gabi na. Lagi ko siyang hinahanap ngunit hindi ko mahanap.

Ilang araw na ring walang habas ang buhos ng ulan. Walang nagpapalaba sa akin. Hindi ako makaalis ng bahay. Wala akong maipakain sa mga kapatid ko. Isang kwaderno na rin ang utang namin kay Aling Ebeng. Buti na lang at naging madalas ang pagbibigay ng ulam at kung anu-ano sa amin ni Aling Minang, ngunit ang kabutihang loob niyang iyon ay unti-unting naglaho. Hindi ko alam kung bakit ngunit isa lang ang tumatak sa isipan ko---ang Mama ni William.

Isang araw, walang kahit anumang makain sa bahay, kahit saan kami maghanap at maghalughog ay wala kaming makita maliban sa tatlong pirasong kamote na nakatago noon. Nilaga ko ito gamit ang ilang natitirang pirasong kahoy.

"Emily, Ella, Mike, halina kayo."

Sunod-sunod na lumabas ang tatlo. Nanghihina sila dahil sa sobrang gutom. Hindi ko maintindihan ang sakit na nararamdaman ko habang tinitignan sila. Ang sakit-sakit na makita silang ganoon. Walang kasing-sakit.

Minasdan nila ang tatlong pirasong kamote at saka tumingin sa akin.

"Ito lang ang hapunan natin, ate?" Ang nakakapanikip damdaming tanong ng bunsong kapatid ko.

Halos maiyak na ako ngunit pinilit kong pigilin ang luhang kanina pa nagbabadyang tumulo mula sa mga mata ko.

"Sige na, pagsaluhan ninyo ito. Huwag ninyong kalimutang tirahan ang kuya ninyo, ha?"

"Hindi ka kakain, Ate?"

"Hindi na bunso, busog pa ako"

Madali akong pumasok sa munting silid ko at doon inilabas ang lahat ng suliranin ko. Umiyak ako nang umiyak hanggang sa ang gutom, sakit at pagod ay naparam, unti-unting naglaho at unti-unting nagdidilim ang lahat sa akin.

Mga hatinggabi na nang umuwi si Micheal. Bumangon ako sa pag-ingit ng pinto pagpasok niya. Nagtuloy siya sa mesa at tiningnan ang pagkaing nakapatong dito.

"Kumain ka na. Kamote 'yan, paborito mo. Tinira 'yan sa'yo ng mga kapatid mo." Sabi ko pagkalabas ko ng silid.

Nilingon niya ako at galit na galit na tumingin sa akin. Pakiramdam ko, maluluha na naman ako.

"Ito lang? Ano'ng akala mo sa tiyan ko? Paminsan-minsan na nga lang akong umuwi rito ganito pa ang daratnan ko? Pambihira!"

"Pasensya ka na... 'yan lang---" Halos maiiyak ko nang wika.

"Pasensya? Anong klaseng pagkain 'to?" Saka niya pagalit na inihagis ang pinggan at kamote. Nagkalat ang kakarampot na kamote at pinggan sa sahig. Kaagad akong nanlumo sa nakita ko. "Kung ipinagpatuloy mo lang sana 'yang pagpopokpok mo, eh 'di sana ngayon masagana tayo at sana ngayon nagpapakasarap ka sa kama! Bumalik ka na lang sa pagpopokpok mo!"

Hindi ko sinasadyang masampal ang kapatid ko. Napatitig ako sa kanya at labis ang pagsisising tinignan ko siya. Nararamdaman kong nanginginig ang mga kamay at labi ko.

"H-hindi ko sinasadya. Hindi ko sina---"

Hindi ko natapos ang sasabihin ko dahil tinulak niya ako.

"Dahil sa'yo, nawala ang mga kaibigan ko! Dahil sa'yo nandidiri ang lahat sa akin! Dahil sa'yo putik ang tingin sa atin! Dahil sa pagpopokpok mong 'yan nagkakaganito tayo!" Poot na poot na sigaw niya.

Tuluyan na ngang nangilid ang luha sa mga mata ko. Muling nagdidilim ang paningin ko at muling naninikip ang dibdib ko.

"Hindi mo alam kung anong sakripisyo ang ginawa ko para sa inyo! Nagawa ko 'yon para mabuhay kayo, para mapakain kayo! Dahil sa pagpopokpok ko buhay pa kayo!"

Tuloy-tuloy ang pag-agos ng luha sa mga mata ko na para bang ayaw na ng mga ito na tumigil sa pagtulo.

"Ngayon kami pa'ng sinisisi mo! Ang sabihin mo gusto mo!"

At saka niya itinumba ang mesa at pabagsak na binuksan ang umiingit nang pinto.

"Micheal!"

Hinabol ko siya ngunit nang paglabas ko'y nakatayo si William sa labas ng tarangkahan namin. Kakauwi lang niya galing sa trabaho. Nakatingin siya sa akin at narinig niya ang lahat ng panghuhusga sa akin ng kapatid ko. Madali akong pumasok muli ng bahay at doon ako nabuwal. Hindi ko na kaya pa. Hindi ko na kaya.

Ilang sandali pa'y isang lamparang may mahinang ningas ang lumapit sa akin at unti-unting nalantad ang mukha ng mga kapatid kong umiiyak din. Inalo nila ako hanggang sa nawalan ako ng ulirat.

Nagising ako nang maramdaman kong may yumuyugyog sa balikat ko.

"Ate, ate, ate, gutom ako!" Nakakaawang daing ng bunso namin.

"Emily, kumuha ka muna ng kalahating kilong bigas kay Aling Ebeng at pisong asin." Mahina ang boses na utos ko kay Emily. Hindi ko magawang umupo at tumayo dahil labis ang panghihina ko.

"Pero, ate, nakalimutan mo na ba? Hindi na tayo maaaring umutang kay Aling Ebeng."

Pagkarinig ko'y kumirot ang puso ko kasabay ng pagkirot ng tiyan ko.

Ang hindi ko alam ay madaling nagtungo si Ella kay Aling Ebeng upang umutang ng isang pirasong gamot para sa sakit ng tiyan. Nang makabalik siya'y puno na ang palad ng dala-dalang dalawang kilong bigas at ilang ulam.

"Ella, sa'n mo 'yan nakuha?" Labis ang pagtataka kong tanong.

"Pinautang ka ba ni Aling Ebeng?" Tanong din ni Emily.

"Hindi, ate, binigay ni kuya William. Tinanong niya ako kung para saan ang gamot at nang sinabi kong may sakit ka'y dali-dali niyang binili lahat ng 'to. Sinabi rin niyang kapag masamang-masama na ang pakiramdam mo tawagin lang daw natin siya."

Para bang matutunaw na ang puso ko pagkarining noon. Pinigil kong pumatak ang luha ko. Nakita ko na lamang ang saya sa mukha ng mga kapatid ko

"Sige na, Emily,  ipagluto mo na'ng mga kapatid mo't nang makakain na kayo."

Pagsapit ng hatinggabi'y waring isang napakalakas na dagok ang tumama sa tiyan ko. Pagka't hindi ko na matiis pa'y sumigaw na ako. Namimilipit sa labis na sakit ang tiyan ko.

Sa sandaling iyon din ay umuwi si Micheal. Mainit na naman ang kanyang ulo ngunit nang makita ang aking kalagayan at pagtitiis ay pasigaw siyang lumapit sa akin at sinapo ang noo ko. Naalimpungatan ang mga kapatid ko na noo'y mahimbing na sanang natutulog. Nang makita nila ako sa ganoong kalagayan ay dali-dali silang lumapit sa akin. Iyak nang iyak ang mga kapatid ko. Sa pagkakataong iyon ay hindi lamang ang tiyan ko ang kumikirot kung hindi pati ang puso ko.

Ibig ko nang mawalan ng malay noon.

"Si kuya William, tawagin niyo!" Pasigaw na wika ni Emily na punung-puno ng luha ang mga mata.

Ilang sanadali pa'y habang patuloy ang pagdaing ko sa labis na sakit ng tiyan ay biglang pumasok si Micheal kasama si William sa kwarto. Dali-dali akong binuhat ni William palabas.

"Diyan lang kayo. Pupunta rito si Nanay Minang." Ang bilin niya sa mga kapatid ko. 

Malayo-layo sa bahay namin ang pinagbubuhatan ng mga traysikel kaya't binagtas niya ito, binagtas na dala-dala ako sa bisig niya. Dahil masyado nang masakit ang aking tiyan, muli ay nawalan ako ng ulirat na mukha niya lang ang huling nakikita. 

Paggising ko'y kulay puti ang nakapaligid sa akin maliban sa upuang nasa tabi ng puti ring mesita. Walang isa mang nasa tabi ko ngunit may mga tinig akong naririnig. Tinig ng dalawang lalaking naging malaking bahagi ng buhay ko. Nagmumula ang mga tinig mula sa pintong nakaawang nang bahagya.

"Nagsisisi ako." Tinig iyon ni Micheal. "Nagsisisi ako sa lahat ng nasabi at nagawa ko para masaktan ang ate. Naging bulag ang puso ko at hindi ko nakita ang mga paghihirap niya para mabuhay lang kami. Naging bingi ako sa mga hagulgol niya kapag umiiyak at mas pinili kong pakinggan ang masasakit na sinasabi at panghuhusga ng ibang tao sa kanya, at hindi ko namalayang naging katulad na pala nila ako, nasasaktan ko na pala nang husto ang ate. Hindi ko lubos na naintindihan noon kung bakit gabi-gabi ay umiiyak ang ate nang magkatrabaho siya, kung bakit araw-araw kapag ngumingiti siya sa amin halata pa rin ang lungkot sa mga mata niya, kung bakit lagi siyang umiiyak sa tuwing susulat sa'yo. Mabait ang ate, mapagmahal, at bibihira na lang ang mga katulad niyang handang magsakripisyo para sa mga taong mahal niya." Unti-unti nababasag ang tinig ni Micheal. Kasabay nito ang unti-unti ring pagkatunaw ng puso ko.

"Sinasabi mo ba 'yan para balikan ko ang ate mo?" Tinig naman iyon ni William na naging dahilan ng pagbilis ng pagpintig ng puso ko.

"Hindi. Hindi. Ikakasal ka na. Ikakasal ka na sa isang babaeng malinis na 'di gaya ng ate. Pero gusto ko lang sanang malaman mong mahal na mahal ka ng ate. Kahit naman siguro hindi ko sabihin sa'yo ay alam mo 'yon. Maiintindihan ko kung sasabihin mong hindi mo na siya mahal. Naiintindihan ko ang pag-aalinlangan mo. Hindi kita masisisi. Pero sana 'wag mong tignan at itrato nang gano'n ang ate na para bang siya na ang pinakamaruming bagay sa buong mundo. Dinudurog mo ang puso niya."

"Mahal na mahal ko ang ate mo, Micheal. Mahal na mahal. Pero---"

Umubo ako. Sinadya ko iyon. Sinadya ko pagka't ayaw ko nang marinig pa ang mga sasabihin niya. Agad silang nagsipasok sa kwarto at nagsilapit sa akin. Nang matanto nilang kahit papaano'y maaayos na ang pakiramdam ko, iniwan kami ni Micheal. Lumabas siya upang kahit papaano'y makapag-usap kami ni William.

Hindi ako makatingin nang tuwid sa kanyang mga mata. Ang bilis-bilis ng pagtibok ng puso ko. Ngayon niya lang ako tinignan nang hindi namumuhi sa akin mula nang bumalik siya.

Gustong-gusto ko siyang yakapin nang mahigpit na mahigpit. Gusto kong hawakan ang mga kamay niya. Pero alam kong... hindi na maaari.

"Sana sinabi mo kay Lola ang nararamdaman mo. Hindi sana aabot sa ganito." Malumanay at puno ng pag-aalala ang boses niya.

Hindi ako sumagot at hindi pa run ako makatingin sa kanya. Patuloy ko lang na nilalaro ang mga daliri ko. Biglang-bigla ay itinaas niya ang aking mukha at sa pagkakataong iyo'y nagawa kong tumingin nang tuwid sa kanya. 

"Hindi ako galit sa'yo. Hindi kita kinapopootan." Puno ng pag-aalala ang kanyang mga mata. Ang kanyang mga mata na sa tueing titingin sa akin ay para bang dinadala ako sa ibang mundo, na para bang umaabot ang tingin hanggang sa kaibuturan ng pagkatao ko.

Bigla ay napako ang kanyang tingin sa leeg ko. Noo'y suot-suot ko pa rin ang kwintas na bigay niya.

"Nasa iyo pa 'to?" Ang nakangiti niyang tanong sabay hawak sa kwintas. Biglang nagliwanag ulit ang napakadilim kong mundo ko dahil sa ngiti niya.

"Kahit anong kasawian ang nangyari sa akin, hindi ako nagkaisip na ibenta itong kwintas mo, baka ka kasi magalit 'pag ibinenta ko." May kaunting ngiti ang sumilay sa mga labi ko.

Naramdaman kong  hindi niya naibigan ang sinabi ko. Nagbaba siya ng paningin at isang katahimikan ang naghari, ngunit ang katahimikang iyo'y nabasag nang tumunog ang telepono niya.

"Josephine, napatawag ka? Sige, sige, papunta na ako." Ibinaba niya ang telepono at saka bumaling sa akin. "Kailangan ko nang umalis. Papapasukin ko rito si Micheal at papupuntahin ko rito ang mga kapatid mo."

Ang kaninang liwanag na bumalot sa mundo ko ay unti-unting naglaho. Katulad ng dati, bumalik ang kadiliman sa mundo ko. Pakiramdam ko nadudurog ang puso ko. Ang sakit. At dahil sa sakit, gusto kong umiyak.

Nabasa niya siguro sa mga mata ko na kailangang-kailangan ko siya sa mga oras na iyon. "Pasensya ka na. Kailangan ako ni Josephine."

Tama nga naman. Mas kailangan siya ng babaeng mapapangasawa niya na buong akala ko'y ako. Akala ko lang pala. Hindi mo nga talaga kayang hulaan ang buhay. Laging nangyayari ang mga bagay na kasalungat ng nais mo.

"Si Josephine bang pakakasalan mo?" Halos basag ang tinig na tanong ko. Nararamdaman ko nang nag-iinit ang sulok ng mga mata ko.

Hindi siya sumagot. Tinignan niya ako sandali pero nag-iwas din siya ng tingin.

"Sana ay maging maligaya kayong dalawa at sana ay huwag ninyong sasaktan ang isa't isa." Sinabi ko ito nang may pilit na ngiti sa labi ngunit sa loob-loob ko'y gusto ko nang humiyaw dahil sa sakit na nadarama ko. "Maligaya ako para sa'yo, William."

Totoong maligaya ako para sa kanya dahil hindi sa isang katulad ko siya humantong. Dahil kung sa isang katulad ko ang bagsak niya, patuloy lang silang hindi magkakaunawaan ng Mama niya at siguradong abot-abot ang panghuhusgang makukuha niya mula sa mga taong bulag ang isip at puso sa mga daing ng isang katulad ko.

Hindi  pa rin siya kumibo at tuluyan na ngang lumabas. Napabangon ako at doon ay tuluyan na nga akong nag-iiiyak. Napuno ng hagulgol ko ang apat na sulok ng silid. Isinubsob ko ang aking mukha sa aking mga palad at itinago ito sa nakabaluktot kong tuhod. Umiyak ako nang umiyak.

Ang hindi ko alam, naiwan niya pala ang kanyang telepono at ang masama pa'y bumalik siya sa kwartong iyon. Hindi ko alam kung anong naging reaksyon o naisip niya nang makita ako sa ganoong kalagayan.

Bigla ay naramdaman ko na lang ang isang bisig na puno ng pagmamahal na yumakap sa akin at isang kamay na pilit na itinataas ang nakatago kong mukha. Pinunasan niya ang mga luhang umaagos mula sa mga mata ko. Nang luminaw ang paningin ko at nang maaninag ko nang maayos ang mukha ng lalaking pinahalagahan at minahal ko ng buong buhay ko at nang nakita kong may mga luhang umaagos din mula sa kanyang mga mata ay napahagulgol uli ako nang malakas at wala sa sariling yumakap din ako sa kanya. Nararamdaman kong mas humigpit pa ang yakap niya.

  - WAKAS -


Kayo na po ang bahalang magbigay ng sarili ninyong wakas sa kwentong ito. Maaaring ang wakas ay kalungkutan o kaligayahan. Kayo na po ang bahala.

Maraming salamat sa lahat ng nagbasa. Sana nagustuhan ninyo. Lovelots!

© 2018 shyhaida


My Review

Would you like to review this Story?
Login | Register




Share This
Email
Facebook
Twitter
Request Read Request
Add to Library My Library
Subscribe Subscribe


Stats

66 Views
Added on July 24, 2018
Last Updated on July 24, 2018
Tags: Hurt, Pain

Author

shyhaida
shyhaida

Digos City, Region XI, Philippines



About
Filipino aspiring writer. more..